Nagpaalala sa publiko ang Philippine Atmospheric, Geophysical And Astronomical Services Administration (PAGASA) na simulan na ang pagtitipid sa paggamit ng tubig lalo na ang mga residente sa Metro Manila.
Ito ay matapos mabigong maabot ng angat dam ang kaukulang lebel ng tubig nito sa pagtatapos ng taong 2021.
Posible kasing kapusin ang suplay ng tubig sa Metro Manila kung saan, pangunahing kailangan ito ng mga health facilities at para sa personal hygiene ng bawat indibidwal.
Base sa datos ng PAGASA, sa pagpasok ng taong 2022, ang water level ng Angat Dam ay naitala lamang sa 202.80 meters na mas mababa ng halos 10 meters sa dapat o inaasahan na 212 meters na water level nito sa pagtatapos ng taong 2021.
Samantala, may ilang lugar din ang nakakaranas ng water interruption kabilang na ang Brgy. Talon Dos sa Las Pinas City; Brgy. Alabang, Bayanan, Poblacion, Putatan at Tunasan sa Muntinlupa City dahil sa limitadong suplay ng tubig mula sa Laguna lake.—sa panulat ni Angelica Doctolero