Pinagpapaliwanag ng Metropolitan Manila Waterworks Sewerage System (MWSS) Regulatory Office ang Maynilad sa paulit-ulit na water service interruptions na sineserbisyuhan ng kanilang Putatan water treatment plant sa Muntinlupa.
Ito’y bunsod ng kawalan ng public advisories at notices sa water service interruption schedules, patuloy na interruption schedules at pagdagsa ng reklamo ng customers.
Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Ty, kung magpapatuloy ang sitwasyon, hindi sila magdadalawang-isip na pagmultahin ang Maynilad gaya ng kanilang ipinataw na penalty noong Oktubre kung hindi agad reresolbahin ang problema.
Nilinaw naman ni Maynilad Spokesperson Jennifer Rufo na nabawasan ang water production ng nasabing treatment plant sa muntinlupa dahil sa pinsala sa equipment ng kanilang pasilidad.
Nagpaliwanag na anya sila sa MWSS at mino-monitor ang mga hakbang na isinasagawa ng Maynilad.