Posibleng magpatupad muli ng araw-araw na rotational water service interruption ang Maynilad Water Services.
Ito anila ay kung tuluyang mauubos ang ipon na tubig sa kanilang reservoirs at hindi magiging sapat ang ulan sa mga watersheds.
Batay sa abiso ng Maynilad, nananatiling 40 cubic meters per second lamang ang kasalukuyang alokasyon ng tubig sa Metro Manila mula Angat Dam kumpara sa dating natatanggap at normal allocation na 48 cubic meters.
Dahil anila dito, kapos ang pumapasok na raw water supply sa Ipo Dam at treatment facilities ng Maynilad.
Binigyang diin pa ng water concessionaire, muli ring nakararanas ng unti-unting pagbaba sa antas ng tubig sa Angat at Ipo dams bunsod ng madalang na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng Maynilad ang kanilang mga customers na bisitahin ang kanilang mga social media accounts para ipalalabas na kumpletong listahan ng water services interruption schedule.