Pansamantalang mawawalan ng suplay ng tubig ang ilang bahagi ng Luzon sa darating na Oktubre 25 hanggang 28 ayon kay Engr. Ronaldo Padua tagapagsalita ng Maynilad.
Kabilang sa mga maaapektuhan ng water service interruption ay ang lungsod ng Las Piñas, Makati, Manila, Paranaque, Pasay, Bacoor, Cavite City, Imus, Kawit, Cavite, Noveleta, Cavite, at Rosario sa Cavite province sa pagitan ng 11 ng umaga hanggang 11:59 ng gabi.
Ito ay bunsod ng isasagawang pipe re-alignment para sa flood control project ng DPWH at instolasyon ng kanal sa kahabaan ng Cristobal St. sa Sampaloc, Manila.
Ayon kay Engr. Padua lubhang maapektuhan ang mga residente ng Sampaloc Maynila kaya’t maaga pa lamang ay nag-abiso na ang Maynilad upang makapaghanda at makapag-imbak ng tubig ang mga maapektuhang residente, negosyo at establisyemento.
Dagdag ni Padua, prayoridad sa isasagawang distribusyon ng tubig ay ang mga ospital at medical facilities at aniya nakikipag-ugnayan rin sila sa mga lokal na pamahalaan para sa pamamahagi ng tubig sa mga maaapektuhang lugar sa pag-iral ng water service interruption sa susunod na linggo.