Muling nagkaroon ng lava fountaining o pagbubuga ng lava sa ika-limang pagkakataon ang bulkang Mayon sa Albay, dakong alas-6:00 kaninang umaga.
Ayon kay PHIVOLCS Albay Chief Ed Laguerta, tinatayang nasa limang kilometro ang taas ng panibagong lava fountaining.
Nagbuga rin ng abo ang Mayon na umabot sa layong tatlong kilometro hanggang kilometro.
Ani Laguerta apektado ng ashfall ang mga bayan ng Guinobatan, Oas at bahagi ng Camalig partikular ang mga pananim at mga palaisdaan.
“Ang abo ay galing sa lava fountaining kaya lang papunta na naman ito sa West sa 2nd at 3rd district ng Albay na palaging tinatamaan dahil sa amihan ngayon, ang problema yung sa agriculture, gulayan pa naman ang area malapit sa bulkan kasama na rin ang mga fishpond at tilapyahan diyan.” Dagdag ni Laguerta
Ayon pa kay Laguerta malaking perhuwisyo rin ang lava fountaining ngayong bumubuhos pa ang ulan.
“Yung maiipon na abo sa taas posibleng maka-initiate kahit gaano karamihan ang ulan, pinong-pino ang made-deposit nitong bago, ang lahar pa naman ay hindi kumikita yan ng distansya, depende yan sa volume na ibinababa, basta mababa ang lugar mo at nakaharap ka sa daluyan ng tubig ay puwede kang tamaan.” Paliwanag ni Laguerta
Bago nito, nagbuga rin ang bulkan ng abo at lava dakong alas-9:00 at alas-6:00 kagabi.
Sinabi pa ni Laguerta, hindi rin nila inaalis ang posibilidad na magkaroon pa ng mas malakas na pagsabog ang bulkang Mayon kaya patuloy pa rin ang kanilang mahigpit na pagbabantay.
“Dahil hindi natin nakikita ang nangyayari sa ilalim tinitingnan natin ang nangyayari sa mga instrument natin, tatlong team ang nakasuporta sa atin mula sa Manila, na tumitingin sa kabuuan ng bulkan, kung umuumbok ba o umiimpis pagkatapos ng pagputok o kaya yung gas discharge ng Mayon para makita natin kung may mas bago pa na magma nan a-generate na umaakyat galling sa ilalim na puwedeng magdulot ng malakas na pagsabog.” Pahayag ni Laguerta
(Judith Larino/ Ratsada Balita Interview)