PINALAGAN ng mga netizens ang sinasabing paninindigan ni Mayor Abby Binay na suwayin ang pinal na desisyon ng Korte Suprema at ituloy pa rin ang laban sa territorial dispute sa pagitan ng Taguig City at Makati City.
Sa viral video ni Binay na kumalat sa social media platforms, sinabi nito na tuloy pa rin ang laban dahil, aniya’y naaawa siya sa kanyang mga anak—ang mga estudyante ng Makati na tinuturing niyang mga anak—dahil hindi kayang ibigay ng Taguig ang naibibigay ng Makati.
“Ang posisyon namin is tuloy ang laban. Naawa ako sa mga anak ko—’yung mga students, mga anak ko ‘yan. Iba ‘yung level of investment, I’m not talking about financial, alam ko kasi na hindi kayang ibigay ‘yung kalidad na naibibigay ng isang kagaya ng lungsod ng mga Makati sa mga estudyante,” pahayag ni Binay sa panayam sa kanya ng mga mamahayag sa pagdalo nito sa CityNet Disaster Cluster seminar.
Kasunod ng pahayag ni Binay na hindi pa tapos ang laban ang pagkalat naman sa social media ng propaganda na “ Makatizens, hindi pa tapos ang laban. Kinausap na ni Mayora si Pres. BBM, Ma’am Liza at si Chief Justice. Nangako silang tutulong para mabuksan ulit ang kaso. Tuloy ang laban! Magugulat na lang ang Taguig. Abangan nila…”
Karamihan naman sa mga sinasabing reaksyon sa buksan muli ang Makati-Taguig dispute ay panawagan na respetuhin na lang ang desisyon ng Korte Suprema.
“Dapat matuto na lang na respetuhin ang court ruling, lalo na galing na ito sa Supreme Court. Hindi ‘yung kung ano ano pa ang gagawin nila para baguyin ‘yun,” pahayag ng isang Carl Silvestre.
“So they are above the law? Need pang kumapit sa Presidente na as if makikialam sa ruling ng SC. Respect the law!” sambit naman ng isang Fatima Ilalaj.
“Huwag tayong magpakalat ng fake news, Supreme court na ang final kaya wala nang maggawa sa kahit kanino lumapit na pulitiko. Respect the court’s decision. Tapos na ang laban,” dugtong naman ni Angelica Panal.
Isa sa dahilan kung bakit may ilang tumantanggi umano na mailipat ang “embo barangay” sa Taguig ay dahil sa nakukuhang benepisyo sa Makati subalit ilang residente ng Taguig ang naglabas din ng saloobin sa social media at nagsabing mas maganda ang pamamalakad sa lilipatang siyudad.
“Bakit kasi hindi na tanggapin ang katotohanan? Ayaw n’yo ba na makatanggap ng madaming benefits? Mula sa edukasyon hanggang sa kalusugan abot-abot ang nakukuha naming mga taga-Taguig. Scholarship hanggang college allowance na dadalhin pa mismo sa kanya-kanyang bahay. Libreng gamot lalo na sa mga senior citizens na hinahatid din mismo sa bahay. Kaya wala ka talagang masasabi at magiging thankful ka talaga,” paliwanag ni Xavierra Bernardino Adriano.
Ang 30 taong territorial dispute sa pagitan ng Makati at Taguig ay tinapos na ng SC sa ipinalabas na resolusyon noong Abril kung saan sa pagresolba ng kaso ay pinaniwalaan at binigyang bigat ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang mga ebidensya at argumento na naiharap ng Taguig.
Pinagtibay din ng SC sa kanilang ipinalabas na desisyon ang injunction na ipinalabas noon pang 1994 ng Pasig City Regional Trial Court na pumipigil noon pa sa Makati City na angkinin ang Inner Fort Bonifacio na kinabibilangan ng mga barangay ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo at Pitogo.