Pinaiimbestigahan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang ulat sa umano’y hindi awtorisadong COVID-19 vaccination activity sa Binondo.
Sa kanyang ipinalabas na memorandum, inatasan ni Moreno ang city health officer, Bureau of Permits at Manila Police District na siyasatin ang napaulat na aktibidad.
Ayon kay Moreno, malinaw na hindi awtorisado ang naturang vaccination activity dahil wala siyang ipinalalabas na utos hinggil dito lalu’t alam niyang wala pang ipinatutupad na katulad na aktibidad ang pamahalaan.
Maliban dito, wala pa rin aniyang inaaprubahang bakuna kontra COVID-19 ang national government na maaari nang gamitin sa pilipinas.
Ani Moreno, kinakailangang maisumite sa kanya ng mga inatasan niyang opisyal ang report sa usapin sa loob ng 48 oras.