Malamig si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian sa panukalang alisin na ang ipinatutupad na curfew sa buong Metro Manila.
Ayon kay Gatchalian, kung siya ang tatanungin mas gusto niya manatili ang curfew hours mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga dahil nananatili pa rin aniya ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Aniya, bahagi ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ang pagpapanatili sa curfew.
Sinabi ni Gatchalian, maaaring sumirit muli ang bilang ng kaso ng COVID-19 kung bibiglain ang pagbubukas ng ekonomiya.
Una nang sinabi ni Metro Manila Council Chairman At Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na nakatakdang talakayin ng mga alkalde sa ncr ang pag-alis sa curfew.