Ipinag-utos na ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na sampahan ng kasong kriminal si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian at 7 iba pa.
Kaugnay ito sa nangyaring sunog sa Kentex Factory noong May 13, 2015 na ikinasawi ng 74 na manggagawa.
Iginiit ni Morales na mayroong probable cause para kasuhan sina Gatchalian, at Ong King Guan, may-ari ng Kentex Manufacturing Corporation, ng reckless imprudence resulting in multiple homicides and multiple physical injuries at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Bukod kina Gatchalian at Guan, kabilang din sa mga pinakakasuhan sina Fire Marshal Mel Jose Lagan, Senior Inspector Edgrover Oculam, Fire Safety Inspectors Rolando Avendan at Ramon Maderazo, Renchi May Padayao (officer-in-charge ng business permits and licensing office) at licensing officer Eduardo Carreon.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Ombudsman na binigyan ng city officials ng business permit at fire safety certificate ang Kentex, kahit wala ang kumpanya ng wet standpipe system, fire extinguishers, kawalan ng automatic fire alarm at sprinkler system, fire exit at fire drills.
By Meann Tanbio | Jill Resontoc (Patrol 7)