Handa nang tumakbo si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa pagka-pangulo sa 2016 elections.
Ito ang inihayag ni Duterte nang dumalo sa birthday celebration ng kanyang kaklase sa law school sa Dasmariñas, Cavite, kagabi.
Ayon kay Digong, ang nagpabago sa kanyang isip ay ang desisyon ng Senate Electoral Tribunal na nagbabasura sa disqualification case na kumukuwestyon sa citizenship ni Senador Grace Poe na inakusahang hindi umano natural-born Filipino.
Iginiit ng alkalde na tanging ang tunay na Filipino ang dapat mahalal sa pinaka-mataas na posisyon at hindi katanggap-tanggap ang isang Amerikanong pangulo.
Gayunman, inamin ni Duterte na kailangan pa niyang kausapin ang mga miyembro ng PDP Laban sa pangunguna ni Senador Koko Pimentel hinggil sa kanyang desisyon.
By: Drew Nacino