Kinasuhan ng PNP Anti Cybercrime Group sa Region 4A ang isang Mayor sa lalawigan ng Cavite dahil sa pagpapakalat ng fake news hinggil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) case.
Ito ay si Mayor Dino Reyes Chua ng Noveleta, Cavite.
Ayon kay P/BGen Bernard Banac ng PNP PIO, napatunayan ng mga cyber patrollers ng ACG na si Mayor Chua ay siyang nasa likod ng facebook account na Maggie Bernal na naglabas ng 10 larawan ng mga persons under investigation (PUI) sa Cavite City.
May pasyente na rin daw ng COVID-19 ang namatay sa Cavite Medical Center.
Inakusahan din nito ang LGU ng Cavite City na hindi transparent sa paglalabas ng record hinggil sa mga positibo sa COVID-19
Lahat ito ay nagdulot ng panic sa nga residente ng lungsod.
Natunton ng mga imbestigador ng ACG na ang account na Maggie Bernal ay dating si Angela Mae De Guzman na ginamit ni Mayor Chua na pinang-atake sa mga kalaban niya sa Pulitika.
Ito ay batay sa pahayag ng testigo na hawak ng PNP na siyang dating administrator ng troll account.
Maliban kay Mayor Chua, kasama din sa kinasuhan sina Mario Batuigas ng Latigo News TV at online reporter Amor Virata na naglabas ng nasabing storya sa kanilang news portal.
Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng mga ito sa Cavite City Prosecutor’s Office.