Binuweltahan ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President at Archbishop Socrates Villegas kaugnay sa naging banat ng arsobispo kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay makaraang sabihin ni Villegas na nawala ang diwa ng 1986 EDSA People Power Revolution sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ayon sa nakababatang Duterte, hindi siya kumbinsidong ang EDSA People Power ay simbolo ng kalayaan.
Ito ay dahil sa minanipula lamang ito ng mga elitista sa Maynila gaya ni Villegas.
Kasabay nito, tinawag ding ipokrito ng alkalde si Villegas dahil sa nagpapanggap lamang umano itong tagapagtanggol ng kalayaan ngunit wala namang ginagawang hakbang upang masawata ang kriminalidad, iligal na droga, terorismo at rebelyon sa ilalim ng nakaraang administrasyong Aquino.
Ikinatuwa naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsopla ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio kay CBCP President Archbishop Socrates Villegas.
Ayon sa Pangulo, likas sa kanyang anak ang pagiging sarcastic kayat dapat aniyang mag-ingat ang sinuman na kakalaban dito.
Binigyang diin ng Pangulo na nagkakaisa sila ng kanyang anak na si Inday Sara sa kanilang mga paniniwala.
Matatandaang tinawag na bangungot ni Archbishop Villegas ang ilang buwang panunungkulan ng Pangulong Duterte.
Buwelta naman ng alkalde ng Davao City, si Villegas ay mas masahol pa sa daan-daang Duterte dahil sa pagiging ipokrito aniya nito.
By Ralph Obina