Nanganganib masipa sa mayoralty race sa Malabon City si dating Vice Mayor Jeannie Sandoval makaraang sampahan ng isang malakas ng kaso ng disqualification sa Commission on Elections.
Ito’y matapos makunan ng larawan si Sandoval kasama ang asawang si congressional candidate Ricky Sandoval, na gumamit ng isang DOH mini-bus sa kanilang pangangampanya na malinaw na paglabag sa Omnibus Election Code, partikular sa Article 22 section 261.
Ginamit ang DOH bus para sa isang campaign activity sa barangay Catmon noong April 20, 2022 at batay sa witness na si Dianne Bautista, residente ng lungsod, ay namigay ang kandidato ng P1-K sa mga botante kapalit ng pagboto sa kanya.
Ginawa rin umano ni Sandoval ang naturang aktibidad sa Navotas City kung saan natalo ang asawa nito bilang mayoralty bet noong 2007 elections.
Alinsunod sa Article 22, Section 261 ng Omnibus Election Code, bawal gamitin ang anumang sasakyan ng gobyerno para sa pangangampanya ng isang kandidato at pamimili ng boto na maaaring magresulta sa disqualifcation.
Magugunitang inilampaso ng kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Lenlen Oreta sa 2019 elections ang dating bise alkalde.
Makakalaban ni Sandoval sa May 9 elections si Enzo Oreta, na nakababatang kapatid ng incumbent mayor.