Hinimok ni House Deputy Speaker Rolando Andaya ang mga mambabatas na humahawak ng komite na kusa nang bakantehin ang kanilang puwesto.
Iyan ang inihayag ni Andaya sa harap na rin ng umano’y balasahan sa loob ng Kamara matapos ang paglulukok kay dating pangulo ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Arroyo bilang house speaker.
Ayon kay Andaya, wala naman aniyang kakaiba rito dahil ito’y bahagi na aniya ng tradisyon sa tuwing nagpapalit ang liderato ng mababang kapulungan at wala aniyang kinalaman dito ang kakayahan ng mga kasalukuyang mambabatas na humahawak ng komite.
Maliban sa mga committee chairmen, sinabi ni Andaya na papalitan din maging ang secretary general gayundin ang sergeant-at-arms ng mababang kapulungan.
Samantala, dumistansya naman si Andaya sa namumuong sigalot sa pagitan ng dalawang paksyon sa minorya ng Kamara hinggil sa usapin ng kung sino ang tatayo bilang minority leader.
Ayon sa deputy speaker, makabubuting ipaubaya na lamang sa mga nasa minorya kung sino ang magiging pinuno nila basta’t kailangang matiyak na may sapat itong numero para makuha ang naturang posisyon
Una nang ipinahiwatig ni Deputy Speaker at Interim Majority Floor Leader Fredenil Castro na posibleng hindi na mapalitan si Quezon Rep. Danilo Suarez bilang minority leader kung gugustuhin ng mga mambabatas mula sa minority bloc.