Nabakunahan kontra polio at tigdas ang mayorya ng mga batang dapat tumanggap nito.
Ayon ito kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa gitna na rin ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Vergeire na 90.3% o 8.5 million mula sa 9.4 million target population ang nabakunahan kontra tigdas samantalang mahigit 87% o nasa halos anim na milyong bata may edad lima pababa mula sa 6.9 target population ay nabigyan ng oral polio vaccine.
Ang unang bahagi ng inoculation campaign ay isinagawa noong October hanggang November 2020 sa malaking bahagi ng Luzon at buong Mindanao.
Ang ikalawang bugso naman ay ginawa nitong Pebrero sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon at Visayas.
Gayunman inihayag ng DOH na mahigit 30% lamang na mas mababa sa national target ang bilang ng mga kabataang sumalang sa routine childhood immunization noong isang taon dahil na rin sa pandemya.