Mayorya ng mga botante ang malaki ang tiwala sa resulta ng May 2019 elections.
Mas malaki pang porsyento o syam (9) sa sampung (10) botante ang nais na ipagpatuloy ang automated elections sa mga susunod na botohan.
Batay sa survey ng Pulse Asia, 84% ng mga botante ang malaki ang tiwala sa resulta ng eleksyon samantalang nasa 1% lamang ang napakaliit o walang tiwala sa kinalabasan ng eleksyon.
Samantala, nasa 91% naman ang nasabi na nais nilang ituloy ang automated voting sa mga susunod na eleksyon, 7% lamang ang tumanggi samantalang 2% ang nagsabing hindi nila alam.
62% ng mga botante ang nagsabi na ang mabilis na paglabas ng resulta ang habol nila sa automated voting.
Taliwas rin sa mga napakaraming reklamo laban sa vote counting machines (VCM)noong eleksyon, lumabas sa Pulse Asia survey na syam (9) sa sampung (10) botante ang nadalian sa paggamit ng VCM samantalang .4% lang ang nagsabing nagkaproblema sila sa pagpasok ng balota sa VCM.
Ipinamukha ng Malakaniyang sa mga kritiko lalo na sa hanay ng minorya na duda sa resulta ng halalan ang lumabas na resulta ng survey ng Pulse Asia kung saan kuntento ang mayorya ng Pilipino sa kinalabasan ng 2019 midterm elections.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, mismong taumbayan na ang nagsalita kung kaya’t dapat nang itigil ang pang iinsulto sa mga botante.
Tinutukoy ni Panelo ang umano’y klase ng mga pulitikong ibinoto ng maraming Pilipino.
Kasabay nito, tiniyak ng Malakaniyang na mas lalo pang magsusumikap si Pangulong Rodrigo Duterte na makapag iwan ng magandang electoral reform legacy sa bansa.
Contributor: Jennylyn Valencia