Walo (8) sa bawat 10 magsasaka ang wala pa ring sariling lupang sinasaka, 27 taon matapos maisabatas ang CARP o Comprehensive Agrarian Reform Program.
Ayon kay Joseph Canlas, Vice Chairman ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas o KMP, ito ang dahilan kaya’t zero ang grado na ibinigay nila sa Pangulong Noynoy Aquino.
Sinabi ni Canlas na walang napala ang mga magsasaka sa ilalim ng administrasyong Aquino dahil napunta rin naman sa katiwalian ang bilyon pisong pondo na para sa na sa ikaaangat ng sektor ng pagsasaka.
“Ang mga bilyun-bilyong pondo na nananakaw na ito kung inilalaan lamang para sa agrikultura sa palagay ko ay walang mahihirap sa ating mga magsasaka at nagugutom sa ating mamamayang Pilipino, na dapat sana ang pinangangalandakan niyang food security noon pang mga nakaraang SONA niya ay nararanasan na natin ngayon subalit dahil sa malalang korupsyon ay walang maaabot mismo ang ating sektor sa agrikultura sa panahon ni Noynoy.” Ani Canlas.
Inilitanya rin ni Canlas ang mga ekta-ektaryang lupain na hindi nagawang maipamahagi ng Aquino administration sa kabila ng extension sa pagpapatupad ng CARP o CARPER.
Kabilang sa mga tinukoy ni Canlas ang Hacienda Luisita ng mga Cojuangco na hanggang ngayon aniya ay hindi pa nakukumpleto ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, ang Clark Green City na may lawak na 9,450 hectares, ang 2,000 ektarya ng Hacienda Dolores at maraming iba pa.
“Sa Bataan ang halos 600 ektarya ngayon ay nasa pamilyang Cojuangco , yung tinatawag nilang industrial state doon sa Lamao, Limay Bataan, ang Fort Magsaysay military reservation na 3,100 hectares na dapat sana’y naipamahagi na sa magsasaka, nananatiling nasa kontrol pa rin ng mga military ng Fort Magsaysay ang mga lupaing ito, na lupaing agrikultural sakahan ng mga katutubo at magsasaka, maging ang mga pangisdaan ay nakakamkam ito at ipapagamit sa mga dayuhang investment doon sa Aurora.” Pahayag ni Canlas
By Len Aguirre | Ratsada Balita