Mayorya ng mga Pilipino ang nagsasabing sapat ang naging pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic maliban na lamang daw sa pagbibigay ng tulong sa mga nawalan ng hanapbuhay o trabaho.
Base sa resulta ng isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Setyembre, 71% ang nagsasabing kuntento sila sa ginagawang information drive ng gobyerno para malabanan ang COVID-19, habang 22% naman ang hindi kuntento, at 6% ang undecided o hindi makapagdesisyon.
Dahil dito, nakakuha umano ang Philippine government ng iskor na +49.
Samantala, 67% ang nagsasabing sang-ayon sila sa mas pinalawak pa na contact tracing effort na ginagawa ng pamahalaan, 23% naman ang hindi sang-ayon at 9% naman ang undecided o hindi makapagdesisyson.
Ayon sa SWS, nakakuha ng +43 ang mga ginagawang pagsisikap ng mga kinauukulan para mas mapaigting pa ang contact tracing sa bansa.
Lumabas din sa SWS survey na 54% ang naniniwalang sinisikap ng gobyerno na magkaroon ng affordable o abot-kayang COVID-19 testing, habang 33% ang hindi naniniwala at 11% ang undecided.
Bunsod nito, nakakuha umano ang pamahalaan ng +21 net adequacy score pagdating sa bagay na ito.
Gayunman tanging 44% lamang ang nagsasabing sapat ang naging aksyon ng gobyerno para matulungan ang mga nawalan ng tyrabaho ngayong panahon ng pandemya.
Habang 46% ang nagsasabing nakukulangan sila sa pag-aksyon ng pamahalaan sa isyu ng kawalan ng trabaho, at 9% ang undecided.
Pahayag ng SWS, lumalabas na bagsak na -2 net adequacy score ang nakuha ng pamahalaan pagdating sa joblessness assistance.
Isinagawa daw ang SWS survey noong September 17 hanggang September 20 sa pamamagitan ng mobile phone at computer-assisted telephone interviews para sa 1,249 adult Filipinos.