Mayorya ng mga Pilipino ang nais na maparusahan sa magkakaibang paraan ang Chinese vessel na bumangga sa barko at nag-abandona sa mga mangingisdang Pilipino sa Recto Bank.
Sa survey na isinagawa ng Pulse Asia mula June 24 hanggang June 30, lumalabas na 87% ng mga Pilipino ang nakaka-alam sa naganap na insidente batay sa kanilang nabasa o napanuod sa mga balita.
36% ng respondents ang nagsabi na dapat hilingin ng Pilipinas sa China na parusahan ang Chinese vessel na sangkot sa insidente.
26% ang nagsabi na dapat magbayad ng danyos ang China at 19% naman ang naniniwala na dapat iprisinta ng China sa Philippine court ang mga sangkot sa insidente.
May 10% nagsabi na dapat bumuo ng regulasyon ang Pilipinas at China hinggil sa dumaraming kahalintulad na insidente samantalang may 8% ang nagsabi na dapat iakyat ang isyu sa United Nations general assembly.
Samantala, nasa 2% lamang ang sumagot na hindi sapat ang kanilang impormasyon para makapagbigay ng opinyon sa isyu.