77 porsyento ng mga Filipino ang nagsabing handa silang bumiyahe sa mga lokal na destinasyon, oras na alisin na ang ipinatutupad na mga restriksyon dahil sa COVID-19.
Batay ito sa ipinalabas na report ng Department of Tourism (DOT) na tinatawag na Philippine travel survey: Insights on Filipino travel behavior post-COVID-19.
Ayon sa survey, mas gusto ng mga Filipino na bumiyahe sa mga lugar na malapit lamang sa kani-kanilang tahanan.
Kabilang din sa mga isasaalang-alang na usapin ng mga Filipino sa pagbiyahe ang pagtiyak sa kalusugan at kaligtasan ng biyahero.
Karamihan din ng mga respondents ang mas pipiliin ang mga travel activities na mayroon lamang limitadong face-to-face interaction.
Nangunguna naman sa listahan ng mga destinasyon na nais puntahan ng mga Filipino, sakaling payagan nang muli ang leisure travel ay ang Boracay, Siargao at Baguio.
Lumabas din sa survey na mas kakaunting Filipino ang nag-iisip na bumiyahe sa ibang bansa bunsod ng mga nabawasang kita dahil sa COVID-19 pandemic.
Isinagawa ang survey noong Mayo sa may 12,000 mga respondents sa buong bansa.