Handang sumunod sa mga ipinatutupad na quarantine at health protocols ng pamahalaan kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang mas nakararaming Filipino na kabilang sa middle class.
Batay ito sa isinagawang online survey ng National Research Council of the Philippines (NRCP) hinggil sa damdamin, sentimiyento at ugali ng mga Filipino sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Dra. Maria Cecilia Gastardo-Conaco, miyembro ng NRCP–Social Sciences, nagpapakita ng positibong saloobin at seryosong pagsunod sa mga panuntuna kontra COVID-19 ang karamihan ng mga middle-class na Filipino.
Lumabas din aniya sa pag-aaral na pabor ang nakararaming respondents na sumailalim sa tatlo hanggang apat na linggong quarantine sakaling may makasalamuhang COVID-19 positive kahit pa batid nilang malusog sila.
Gayunman, nabatid naman sa survey na mas maraming Filipino ang nakaramdam ng takot nang magsimula ang lockdown na naiuugnay naman sa pagkakaroon ng mababang kumpiyansa sa health care system ng Pilipinas.