Walo sa sampung Pilipino ang kuntento sa takbo ng demokrasya sa bansa.
Batay ito sa survey ng Social Weather Stations o SWS mula March 23 hanggang 27 sa may 1,200 respondents.
Ayon sa survey, pitumpu’t walong (78) porsyento ng respondents ang masaya sa umiiral na demokrasya sa kasalukuyan.
Gayunman, mas mababa ito ng dalawang puntos sa 80 percent na resulta ng survey noong Hunyo ng nakaraang taon.
Samantala, demokrasya pa rin ang nakikitang pinakamagandang porma ng pamahalaan para sa animnapung (60) porsyento ng mga Pilipino.
Batay pa rin sa SWS survey, nanatili sa labing siyam (19) na porsyento ang may gusto ng authoritarian government samantalang 20 percent ang walang pakialam kung demokrasya o authoritarian rule ang umiiral na pamahalaan.
‘Fake news’ survey
Samantala, mas maraming Pilipino naman ang kumbinsido na isang seryosong problema ang laganap na fake news sa internet.
Batay din sa survey ng SWS sa 44 milyong Pilipino na araw-araw gumagamit ng internet, halos 29 milyon dito ang naniniwala na isang mabigat na problema ang fake news sa internet.
Gayunman kung ikukumpara noong Disyembre ng nakaraang taon, nabawasan ang bilang ng regular internet users na nagtuturing sa fake news bilang isang seryosong problema.
—-