Lumalabas sa resulta ng second quarter 2019 Social Weather Survey o SWS na pumalo sa 59% na mga adult ang naniniwalang malaya ang bawat Pilipino na maghayag ng kanilang mga saloobin ng walang takot, kahit laban pa ito sa kasalukuyang administrasyon.
Isinagawa ang survey mula June 22 hanggang June 26 kung saan 18 porsyento lamang sa mga tinanong ang hindi naniniwala.
Ayon sa SWS, ipinapakita lamang nito na mayorya sa mga Pilipino ang may malaking pananiniwalang buhay na buhay ang freedom of speech sa Pilipinas na may +41 na net agreement score.
Base sa June 2019 survey, 51% ang sang-ayon habang 29% ang undecided at 20% ang hindi sang-ayon sa isyu ng umano’y mapanganib daw para sa mga kritiko ng pamahalaan ang kasalukuyang administrasyon.
Samantalang, 67% naman sa mga Pilipino ang sumasang-ayon o naniniwalang buhay na buhay ang malayang pamamahayag o press freedom sa Pilipinas at nakakuha ito ng very strong net agreement na +57 kung saan tanging 10% lamang ang disagree sa naturang isyu at 23% ang undecided.