Mayorya sa mga Pilipino ang naniniwala na nakapipinsala lamang sa bansa ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ito ayon kay Senador Sherwin Gatchalian ay batay sa survey ng Pulse Asia na ginawa mula Nobyembre 27 hanggang Disyembre 1 noong nakalipas na taon kung saan ipinasama nila ang tanong ukol sa POGO.
Sa survey, lumitaw na 58% ng mga respondent ang nagsabing nakakasama ang operasyon ng mga POGO sa bansa habang 19% lamang ang nagsabi na kapaki-pakinabang ang operasyon nito.
Kabilang sa mga dahilan kaya naniniwala ang mga respondent na nakapipinsala ang industriya ng POGO ang paglaganap ng mga bisyo, pagtaas ng insidente ng krimen na may kaugnayan sa POGO na kinasasangkutan ng mga Chinese national, tax evasion ng POGOs, pagtaas ng bilang ng mga Chinese national na nagtatrabaho sa mga POGO, walang karagdagang oportunidad na ibinigay sa mga Pilipino, at pagtaas ng halaga ng upa, tirahan at business properties.
Ayon kay Gatchalian, ang resulta ng survey ay mahalagang bahagi ng data na kanilang isinasaalang-alang sa ipalalabas na rekomendasyon dahil ito ang kumakatawan sa mga sentimyento ng mga Pilipino.
Una nang inihayag ni Gatchalian na binubuo na ng Senate Committee on Ways and Means na kanyang pinamumunuan ang committee report kaugnay sa ginawang pagdinig sa epekto ng POGO operations sa ekonomiya ng bansa. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)