Mayorya ng mga Pilipino sa Bangsamoro Autonomous Region In Muslim Mindanao (BARMM) ang nasisiyahan sa pamumuno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong September 27 hanggang 30, 94% ang kuntento sa trabaho ng pangulo habang 3% lamang ang hindi at 3% ang undecided.
Dahil dito, pumalo ang net satisfaction rating ng pangulo sa excellent na positive 90 sa BARMM, lubhang mas mataas sa very good na positive 65 na naitala sa buong bansa at sa excellent na positive 74 sa mga lugar sa Mindanao na hindi bahagi ng autonomous region.
Ayon sa SWS, posibleng nakapagbigay ng excellent rating sa pangulo ang pagtupad sa pangakong Bangsamoro Organic Law na nagbigay ng mas malawak na kapangyarihan sa rehiyon.
Natutuwa rin ang mga mamamayan ng BARMM sa performance ng national administration na nakapagtala ng net satisfaction rating na excellent positive 80. — ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)