Mayorya ng mga Pilipino ang nagpahayag ng kanilang takot sa mga drug addict, base sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong June 24 hanggang 27 o bago pa umupo sa Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa resulta ng survey na inilabas kasabay ang ikalimang araw ng senate hearing hinggil sa extrajudicial killings, 62 percent ng mga Pinoy ang nagsasabing napakaraming tao sa kanilang komunidad ang lulong sa droga kumpara sa 55 percent sa survey noong Abril.
Kung lugar ang pagbabasehan, tumaas ng 82 percent ang bilang ng mga mamamayang natatakot sa mga drug addict sa Metro Manila kumpara sa 70 percent noong Abril.
Tumaas din ng 64 percent mula sa dating 52 percent noong Abril ang mga nagsasabing natatakot sila sa mga lulong sa droga sa Luzon.
Marami ring pamilya ang nagpahayag ng takot sa Visayas na umabot sa 60 percent noong June survey kumpara sa 49 percent noong Abril.
Samantala, bumaba naman sa 46 percent ang mga nagsasabing natatakot sila sa mga drug addict sa Mindanao kumpara sa 57 percent noong Abril.
By Drew Nacino