Mayorya ng mga Pilipino ang may mataas na tiwala kay U.S. President Donald Trump.
Batay ito sa pinakahuling survey ng American think tank na Pew Research Center kung saan lumabas na 77% ng mga Pilipino ang naniniwalang tama ang mga gagawing hakbang ni Trump hinggil sa mga pandaigdigang usapin.
Ito ay sa kabila naman ng kawalan ng tiwala ng malaking bilang ng mga tao mula sa 33 bansa sa buong mundo na isinailalim sa survey.
Ayon sa Pew Research Center, sa kabuuan ay 29% lamang ng mga tao sa buong mundo ang nagpahayag ng tiwala sa pangulo ng Estados Unidos habang 64% ang walang tiwala.
Samantala, lumabas din sa kaparehong survey na may mataas na pagtitiwala rin ang mga Pilipino kay Russian President Vladimir Putin na nakakuha ng 61%.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interview sa halos 37,000 respondents mula sa 33 mga bansa sa buong mundo mula ika-18 ng Mayo hanggang ika-2 ng Oktubre noong nakaraang taong 2019.