Sang-ayon ang nasa 7 sa bawat 10 residente ng Barangay Muzon sa lungsod ng San Jose del Monte sa lalawigan ng Bulacan na hatiin sa 4 ang kanilang Barangay.
Batay iyan sa isinagawang survey ng grupong Pinoy Aksyon PH sa may 100 residente ng naturang lugar na nagsilbing mga respondent kung saan, 70 porsyento rito ang pabor sa isinusulong na House Bill 2379 ni SJDM lone district Rep. Florida “Rida” Robes.
Ayon kay Em Rose Guangco, ang Spokesperson ng Pinoy Aksyon PH, batid naman ng mga residente ang ginhawang hatid ng paghahati sa kanilang Barangay.
Alam ng mga residente na dapat gawin ito para mas maging maayos ang pamamahala sa lugar. Kapag nahati ang Muzon, mas magiging madali ang pagpapatupad ng mga batas o ordinansa at mas matutukan din ang pagbigay ng serbisyo sa bawat mamamayan. Walang maiiwan,” ani Guangco.
Batay sa datos, ang Barangay Muzon ang pinakamalaking Barangay sa San Jose del Monte City na mayroong humigit kumulang 100,000 na populasyon.
Sakaling maipasa ang isinusulong na batas ni Rep. Robes, ang Barangay Muzon ay magiging Barangay Muzon Proper, Barangay Muzon East, Barangay Muzon West at Barangay Muzon South.
Ang tanging layunin ng hakbang na ito ay ang mas mabuting pamamahala at mas marami pang benepisyo sa ekonomiya ng SJDM. Mas madaling mababantayan ng ating mga local leaders ang isang barangay na nasa tamang laki lamang,” ani Robes.
Sa paghahati aniya ng Barangay Muzon sa 4, sinabi ni Rep. Robes na mas mabisa ang pagpapatupad ng programang pang-ekonomomiya at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan para sa mga residente ng kada barangay.
Dagdag pa ng Kongresista na sa ilalim ng batas, ang isang Barangay ay dapat binubuo ng 200,000 o higit pang mga residente
Sa kaso ng Barangay Muzon, sobra-sobra na yung mga nasasakupan nito. Hindi na kakayanin ng isang barangay leader at ng kanyang sanggunian nang mahigit na 100,000 na tao,” ani Robes.
Sa panig naman ni Guangco, nagpasalamat ito sa mabilis na aksyon ng kanilang kinatawan sa Kongreso.
Nakakagalak na ang ating kongresista ay talagang nakikinig sa mga saloobin namin. Ang LGU ay ang aming pinakamalakas na katuwang sa aming adbokasiya.” ani Guangco.