Hinimok ng Senado si Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ipagpatuloy ang liberalisasyon ng industriya ng asukal sa bansa.
Batay sa ipinasang Resolution 213 ng Senado, kanilang hiniling sa pangulo na pigilan nito ang plano ng kanyang mga economic managers na alisin ang limitasyon o paluwagin ang pag-aangkat ng asukal sa bansa.
Ayon sa mga Senador, makakapinsala sa industriya ng asukal partikular sa mahigit 80,000 magsasaka ng tubo at mahigit 700,000 manggagawa, ang malayang pagpasok sa pamilihan sa bansa ng mga inangkat na asukal.
Iginiit ng mga senador, kabaligtaran ng hanggarin ni Pangulong Duterte na food security sa bansa ang nasabing panukala ng kanyang mga economic managers.
Matindi anilang maaapektuhan ng panukalang liberalisasyon ng sugar industry ang sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Pirmado ng 22 senador kabilang sina Senate President Vicente Sotto III, Majority Leader Migz Zubiri, Senador Sonny Angara, at Senador Cynthia Villar ang Resolution 213.