Mayorya ng mga kabataang Filipino, lalo ang mga nasa working age na 21 hanggang 30, ang mas nais mag-hanapbuhay sa bansa sa halip na makipag-sapalaran sa ibayong-dagat.
Batay sa 2021 National Youth Survey, 33% ng 4,900 respondents ang naniniwalang sapat ang mga oportunidad sa kanilang mga lugar, mapa-lungsod o probinsya;
23% naman ang naniniwalang hindi sapat ang mga oportunidad at ikinukunsiderang maghanap ng trabaho sa ibang panig ng Pilipinas at 20% ang naniniwalang mas maganda ang mga oportunidad sa ibang bansa pero ayaw umalis ng Pilipinas;
9% ang nagsabing wala sapat na oportunidad sa kanilang mga lungsod o lalawigan kaya’t napipilitang maghanap ng trabaho sa ibang panig ng bansa;
8% ang mas piniling magtrabaho at manirahan sa ibang bansa at 7% ang nagsabing hindi nila alam kung saan maghahanap ng mga trabaho.
Samantala, 76% ng mga respondent ang kumpiyansang magiging maayos ang kalidad ng kanilang pamumuhay sa susunod na limang taon.
Isinagawa ang survey upang magsilbing basehan sa kasalukuyang trends para makapaglatag ng mga hakbang sa pag-unlad ng kabataan.
Taong 1996 pa nang huling magsagawa ng National Youth Survey.