Mayorya ng mga miyembro ng Nationalist People’s Coalition o NPC ang pabor sa posibleng tambalan nina Senadora Grace Poe at Senador Francis “Chiz” Escudero para sa 2016 elections.
Ayon kay NPC Spokesman at Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, maraming miyembro nila ang nagpahayag ng suporta at umaasang sina Poe at Escudero ang dadalhin ng kanilang partido sa eleksyon sa susunod na taon.
Ito ay s a kabila ng pakikipagpulong din ng NPC kay dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.
“Si Senator Chiz alam niyo naman miyembro namin ng napakatagal na panahon, at bagamat lumisan siya ng partido, ‘yung mga relationship, mga personal friendships na nabuo sa loob ng partido ay hindi matatanggal po ‘yun, at kay Senator Poe naman syempre noong 2004 ‘yung kanyang ama nung tumakbong Presidente, marami po ‘yung natulungan na mga NPC members noong mga panahon na ‘yun. In historic ties napakalalim, ang opinyon nila, ang i-register daw nilang opinion sa partido ay sana tulungan ng partido si Senadora Poe at Senator Chiz.” Ani Gatchalian.
Gayunpaman, nilinaw ni Gatchalian na sa ngayon ay wala pa silang napagkakasunduan bilang partido kung sino ang kanilang susuportahang kandidato sa pagka-Pangulo at Bise Presidente.
“Ang sa amin lang ngayon nakikinig kami sa mga kaibigan ng partido na naghahangad na tumakbo bilang presidente, o ‘yung mayroong kumbaga hindi man nag-eexpress ay sa paniniwala namin ay tatakbo din, para marinig ang kanilang mga plataporma, ang kanilang mga plano para sa ating bayan, gayundin ‘yung mga plano nila para sa mga regions natin dahil at the end of the day ‘yung mga miyembro natin ay curious din kung ano bang plano para sa kanilang mga lugar nitong mga nagpaplanong tumakbong Presidente at Bise Presidente.” Pahayag ni Gatchalian.
Ang NPC ay ang ikalawang pinakamalaking partido pulitikal sa bansa.
No decision yet
Nasa proseso pa rin ng konsultasyon ang Nationalist People’s Coalition o NPC sa kung sino ang susuportahan sa 2016 elections.
Nilinaw ito ni Gatchalian kasunod ng magkahiwalay na pagpupulong ng partido kina dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas, Senador Grace Poe at Chiz Escudero.
Ayon kay Gatchalian, nais nila na maging maayos ang magiging resulta ng decision-making sa naturang usapin.
“Listening is part of the decision making process at pumunta sila sa meeting kahapon sa Liberal Party para makinig sila sa plataporma, sa mga mungkahi, mga suhestyon at mga idea ni Secretary Roxas, and they took down notes, yun po ang nangyari kahapon.”
“Patuloy itong gagawin hanggang sa we arrive or may magawang desisyon ang partido kung sino ang susuportahan next year, sa puntong ito ay wala pang desisyon.” Dagdag ni Gatchalian.
By Ralph Obina | Meann Tanbio | Kasangga Mo Ang Langit