Itinuturing na pahirap sa mayorya ng mga Pilipino ang kawalan ng pampublikong transportasyon gayundin ng pagsasara ng ilang mga negosyo at tindahan sa gitna ng ipinatupad na enhanced community quarantine (ECQ).
Batay ito sa resulta ng isinagawang COVID-19 mobile phone survey ng Social Weather Stations (SWS) sa may mahigit 4,000 respondents.
Ayon sa SWS, 77% ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing nahirapan sila nang suspendihin ng pamahalaan ang pampublikonng transportasyon.
Habang 80% naman ng mga respondents nagsabing naging pahirap din para sa kanila ang pagsasara ng ilang mga negosyo at tindahan.
Magugunitang dalawang buwan ding ipinatigil ng pamahalaan ang pampublikong transportasyon habang tanging ang mga negosyo na may kinalaman lamang sa essential goods at services ang pinayagang mag-operate.
Ito’y matapos isailalim sa ECQ ang buong Luzon at iba pang lugar sa bansa para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.