Mayroong mga nagsasamantala sa sunud sunod na lindol sa ilang lugar sa Mindanao kaya’t tila lumalabas na may humanitarian crisis.
Ayon ito kay Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri dahil may ilang impormasyong hindi naman talaga napinsala ng lindol ang pumupunta sa highway at nanghihingi ng tulong.
Kaugnay nito, sinabi ni Zubiri na dapat masuging alamin ng DSWD at Office of Civil Defense ang usaping ito para mabatid kung talagang may mga nagsasamantala lang o kailangan talaga ng tulong ng mga ito.
Inihayag naman ni Senador Imee Marcos na mayroon talagang problema sa paghahatid ng tulong sa mga napinsala ng lindol dahil malalayo ang lugar kaya’t medyo nahihirapan at natatagalan subalit hindi ito maituturing na humanitarian crisis.
Samantala, suportado nina Zubiri at Marcos ang agarang pagpasa sa panukalang naglalayong lumikha ng Department for Disaster Resilience upang higit na maging maayos, mabilis at epektibong pagtugon sa mga kalamidad na tatama sa bansa. — ulat mula kay Cely Ortega- Bueno (Patrol 19)