Pumalo na sa mahigit isandaan ang bilang ng mga tinamaan ng tigdas o measles sa Zamboanga City sanhi ng pagtanggi ng mga magulang na isailalim sa bakuna ang kanilang mga anak.
Ito ang dahilan kaya’t idineklara na ng Zamboanga City Health Office ang measles outbreak sa lugar bunsod ng mabilis na pagkalat ng nasabing sakit sanhi ng siksikan na ang mga pasyente sa mga ospital.
Kasunod nito, nakatakda namang magsagawa ng isang massive immunization program ang lokal na pamahalaan sa linggong ito para mapigilan na ang pagkalat pa ng nasabing sakit.
Target ng lokal na pamahalaan na mabakunahan ang may isandaan at dalawampu’t isang libong kabataan upang mabigyan ng sapat na proteksyon kontra sa sakit na tigdas.