Magdedeploy ang Department of Agriculture (DA) ng “meat sniffing” dogs sa mga international airports sa buong bansa upang mapigilan ang posibleng pagpasok ng African swine fever (ASF).
Sa Facebook post, sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, na labinglimang K9 German shepherds mula sa Talisay City, Negros Occidental ang ikokomisyon ng Bureau of Animal Industry sakaling maisailalim na ang mga ito sa area familiarization.
Ayon sa kalihim, ibinaba ng DA ang kautusang ito makaraang ipagbawal na ang pagpasok ng pork products mula sa Cambodia matapos ang ulat na nagkaroon ng African swine fever outbreak sa nabanggit na bansa.
Matatandaan aniya na kamakailan lamang, kinumpirma ng World Animal Health Organization ang ASF outbreak sa Cambodia.
Inihayag pa ni Piñol na agad namang inaprubahan ni Transportation Secretary Art Tugade ang kahilingan ng DA na magdeploy ng K9 unit sa mga international airport sa ibat-ibang bahagi ng bansa.
Dagdag ng DA official, itatalaga ang initial batch ng K9 unit malapit sa customs counter ng paliparan.
May karagdagang apatnapung mga aso pa aniya ang patuloy ngayong sinasanay upang maging meat sniffing dog at inaasahang idedeploy makalipas ang dalawang buwan.