Tiniyak ng Manila Economic and Cultural Office o MECO na ligtas ang mga Filipino sa Taiwan matapos ang malakas na lindol, kahapon.
Ayon kay MECO Chairman Amadeo Perez, kontrolado ng Taiwanese Government ang sitwasyon at walang dapat ipangamba sa ngayon ang mga pinoy sa naturang bansa maging ang kanilang mga kaanak sa Pilipinas.
Bagaman patuloy ang rescue operations sa mga na-trap sa mga gumuhong gusali partikular sa tainan city, balik na anya sa normal ang trabaho sa Taiwan.
Tinatayang 130,000 ang nagta-trabaho at naninirahan sa Taiwan at karamihan sa mga ito ay nasa Yongkang district sa Tainan.
Sa ngayon ay nasa labingsiyam na ang bilang ng nasawi sa magnitude 6.4 na lindol sa Taiwan.
By: Drew Nacino