Iminumungkahi ni dating COVID-19 National Task Adviser Dr. Tony Leachon na mapalawig pang muli ng dalawang linggo ang umiiral na modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Metro Manila at iba pang karatig na lalawigan.
Ayon kay Leachon, mas makabubuti kung maituloy hanggang isang buwan ang MECQ para tuluyang matugunan ang COVID-19 pandemic at makamit ang tinatawag na “flattening of the curve” sa bansa.
Aniya, makatutulong ang isang buwang MECQ para mabigyang pagkakataon ang pagpapalakas sa health care capacity ng Pilipinas bilang paghahanda na rin sa inaasahang pagdating bakuna kontra COVID-19 sa Disyembre.
Sinabi ni Leachon, tugma rin aniya ito sa panahong iginugol ng ibang bansa sa pag-flatten ng curve sa kanilang lugar na umabot din ng tatlong buwan.
Magugunitang, muling isinailalim ng pamahalaan sa dalawang linggong MECQ ang Metro Manila at karatiga lalawigan hanggang Agosto 18 bilang tugon sa panawagang “time out” ng mga medical community.