Nanawagan sa gobyerno ang isa sa mga kamag-anak ng mga napaslang na miyembro ng Philippine National Police-Special Action Force sa Mamasapano incident na ibigay na ang parangal para sa mga ito.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Ginang Roselle Nacino na dapat nang igawad ang medal of valor sa kanyang asawa na si PO2 Nicky Nacino Jr. Na miyembro ng 84th Special Action Seaborne Company at kabilang sa mga sumalakay sa kubo ng teroristang si Marwan.
Giit ni Nacino, umaasa silang makakasuhan din ang mga pumaslang sa kanyang mister at iba pa at hindi lamang ang mga nakapatay sa mga miyembro ng blocking force ng PNP-SAF.
Dagdag pa ng ginang, dismayado rin sila sa pinalulutang ng Moro Islamic Liberation Front o MILF na “alternative truth” sa naturang insidente.
“Talagang binuwis na nila yung buhay nila para sa mission. So, mission accomplished naman po, tapos ganyan yung sasabihin, syempre masama yung loob namin, napatunayan naman na SAF yung pumatay kay Marwan,” paliwanag ni Nacino.
By: Jelbert Perdez