Iginawad na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang medalya ng kagitingan o medal of valor sa natitirang apatnapu’t dalawang (42) miyembro ng PNP- Special Action Force na nasawi sa madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015.
Ito’y matapos aprubahan ang rekomendasyon ng National Police Commission para sa posthumous award ng mga nasawing SAF commando.
Ang medal of valor ang pinakamataas na award na ibinibigay sa Philippine National Police (PNP).
Matatandaang hiniling ng pamilya ng SAF 44 kay Pangulong Rodrigo Duterte noong nakalipas na buwan na lahat sila ay bigyan ng medal of valor dahil lahat naman ay nakipaglaban at namatay para sa bayan.
Dalawa lamang sa SAF 44 ang nabigyan ng medal of valor noong 2015 na sina Senior Insp. Gednat Tabdi at Police Officer 2 Romeo Cempron kaakibat ang benepisyo na lifetime monthly gratuity na 20,000 pesos na hiwalay sa pensyon o sahod at scholarship ng mga anak mula elementarya hanggang sa makapagtapos sa kolehiyo.
By Drew Nacino | Report from Aileen Taliping (Patrol 23)