Pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga mamamahayag na maghinay-hinay sa pagbatikos sa kanyang administrasyon at magkaroon ng konsiderasyon sa pagsusulat hinggil sa mga government official.
Ayon kay Pangulong Duterte, dapat ding maunawaan ng mga journalist ang mga manggagawa ng gobyerno dahil mayroon ding pamilya at anak ang mga ito.
Pinag-iingat din ng Punong Ehekutibo ang mga mamamahayag sa paggamit ng mga salitang maaaring makasira sa imahen ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan.
Samantala, muling binatikos ni Pangulong Duterte ang Rappler kaugnay sa akusasyon nito na hinarass sila ng gobyerno partikular ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Gayunman, itinanggi ng Pangulo ang akusasyon at iginiit na walang basbas mula sa kaniya ang kanselasyon ng SEC sa lisensya o registration ng Rappler.
Hindi din pinalampas ni Pangulong Duterte ang ilan pang media entity na bumabatikos umano sa administrasyon kagaya ng pahayagang Philippine Daily Inquirer lalo na ang may-ari nito na pamilya Prieto.