‘Off-limits’ na umano ang media sa gagawing pag-iikot ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mga lugar na sinalanta ng habagat.
Ayon ito kay Presidential Spokesman Harry Roque dahil ayaw ng Pangulo na ipabatid sa publiko ang ginagawang pagtulong.
Kasunod na rin ito ng mga pagbatikos at pagkalat sa social media ng #NasaanAngPangulo sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Karding at habagat.
Inihalimbawa ni Roque ang ginawa ng Pangulo noong Pasko kung saan nag-ikot ito sa iba’t ibang ospital at nagbigay ng pinansyal na ayuda sa mga maysakit ng walang media coverage.
Naka-monitor naman aniya ang Pangulo sa sitwasyon sa Metro Manila at iba pang lugar habang nasa Davao City ito at sa katunayan ay napaaga pa ang pagluwas nito noong araw ng linggo para alamin ang kalagayan ng mga apektadong residente.
Noong Lunes at kahapon ay hindi natuloy ang aerial inspection ng Pangulo dahil sa patuloy na pag-ulan sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan.
—-