Pinagbawalan ang media na i-cover ang tradisyunal na New Year’s Call sa Camp Crame.
Bago mag alas-600 ng umaga ay nasa Camp Crame na ang mga reporters na nagco-cover sa PNP upang mag-set up ng kanilang mga kagamitan sa Multi-Purpose Center ng Camp Crame subalit hindi sila pinayagan ng mga bantay.
Hindi nagbigay ng paliwanag si Senior Supt. Dionardo Carlos, ang Spokesman ng PNP kung bakit nila ipinagbawal ang media coverage subalit nagbigay naman ito ng video ng arrival ceremony.
Ito ang kauna-unahang New Year’s Call ni PNP Chief Director General Ronald dela Rosa at kauna-unahan ring pagkakataon na ipinagbawal ang media coverage.
Sa New Year’s Call, nagtitipon-tipon ang lahat ng opisyales ng PNP mula sa iba’t ibang panig ng bansa kasama ang kanilang mga asawa upang mag-courtesy call sa hepe ng PNP.
Isa sa inaabangan sa New Year’s Call ang speech ng PNP Chief para sa lahat ng kanyang mga tauhan.
Huling nagsalita si dela Rosa sa harap ng kanyang mga tauhan sa kanilang Christmas party kung saan inianunsyo niya ang daan-daang libong bonus para sa mga opisyal ng PNP pero binawi rin kinabukasan.
By Len Aguirre | Jonathan Andal (Patrol 31)