Lima (5) lamang sa 19 na naitalang kaso ng media killing sa ilalim ng Duterte administration ang lumalabas na may kaugnayan sa kanilang trabaho bilang mamahayag.
Ito ang inihayag ni Presidential Task Force on Media Security Executive Director Undersecretary Joel Egco batay na rin sa mga isinagawa nilang masusing imbestigasyon.
Ito ay ang kaso ng pagpatay kay Dennis Denora, publisher ng weekly newspaper Trends and Times sa Panabo City; kaso ng pamamaril kay Albay broadcaster Joey Llana noong July 20, 2018; pagpatay kay Brigada News FM station manager Eduardo Sanchez Dizon nito lang July 10 at pagpaslang kina mediamen Christopher Lozada at Larry Que.
Kaugnay nito, nakatakdang ipresenta sa Malacañang Press Sorps nina Usec. Egco at ni PCOO Secretary Martin Andanar ang ilang major breakthrough sa kaso ng pagpaslang kay Brigada station manager Ed Dizon na kung saan, iniuugnay ang pagpatay dito dahil sa pagiging kritiko nito sa Kapa Community Ministry na nasangkot sa scam.
Dalawang witness ang ipiprisinta nina Andanar at Egco habang inaasahan din mamaya sa pulong balitaan ang balo ni Dizon na si Ginang Madonna Dizon.
with report from Jopel Pelenio (Patrol 17)