Nagsanib-pwersa ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) at Philippine National Police (PNP) sa paglulunsad ng Media Security Vanguard.
Layon nito na palakasin ang seguridad ng mga mamamahayag sa gitna ng mga banta at hamon na kanilang kinakaharap.
Alinsunod din ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na iprayoridad ang kaligtasan ng mga mamamahayag na may malaking papel na ginagampanan ngayong panahon ng eleksyon.
Binigyang diin ni PTFOMS Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr., na mahalagang hakbang ang nasabing programa, na nagpapakita ng masigasig na pagtupad ng task force sa layunin nitong paunlarin at tiyakin ang kaligtasan ng mga kasapi ng media.
Sinabi naman ni Presidential Communications Office Sec. Jay Ruiz na magtatalaga rin ng mga espesyal na grupo na sinanay upang agarang tumugon sa mga pangangailangan ng mga mamamahayag, at maglulunsad ng mga workshop at seminar upang mabigyan sila ng sapat na kaalaman at kakayahan para sa kanilang proteksyon habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Inaasahang magiging sandigan ang Media Security Vanguard ng mas ligtas at mas maayos na kapaligiran para sa mga mamamahayag sa buong bansa.