Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi mapababayaan ang mga media worker na naapektuhan ang hanap-buhay dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito’y matapos ilapit ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar kay Labor Secretary Silvestre Bello ang sitwasyon ng mga manggagawa sa industriya ng media.
Ani Andanar, may mga media worker na natanggal sa kanilang trabaho matapos mapilitang magbawas ng empleyado ang ilang kumpanya.
Sinabi naman ni Bello na may mga manggagawa sa media ang napabilang sa mga benepisyaryo sa naunang ipinamamahaging COVID Adjustment Measures Program (CAMP).
Sa ngayon ay inaantay lang aniya nila ang karagdagang pondo para sa CAMP na hiniling sa Department of Budget and Management (DBM).
Sa oras na maipalabas na umano ay tiyak na mapapasama sa mabibigyan ang iba pang mga manggagawa sa media sa iba’t ibang bahagi ng bansa na apektado ng kasalukuyang krisis.