Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mga sektor na pasok sa A4 category na priority sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccination program ng gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, kabilang sa A4 category ang mga nasa sektor at industriya ng transportasyon, market, manufacturing, government services, hotels, education at media.
Pasok din sa A4 list ang mga lider at opisyal ng mga relihiyon, security personnel sa priority industries at sectors, mga nasa telecoms, cable, internet providers, electricity distribution at water distribution utilities.
Bukod pa ito sa mga nasa law, justice, security, protection sectors at maging mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kabilang ang mga nakatakdang lumabas ng bansa sa loob ng dalawang buwan.
Kasabay nito, ipinabatid ni Roque na inaprubahan din ng IATF ang patuloy na training ng national athletes sa Olympic training bubble sa Calamba, Laguna at extension, samantalang ang mga dayuhang may valid entry exemption documents na inisyu ng Department of Foreign Affairs (DFA) bago mag-ika-22 ng Marso ay uubrang makapasok ng bansa.
Inanunsyo rin ni Roque na inaprubahan ng IATF ang pagpapalawig sa modified enhanced community quarantine (MECQ) status ng Quirino Province hanggang ika-30 ng Abril.