Tuloy-tuloy ang ayuda na ibinibigay ng DOH o Department of Health para sa mga biktima ng bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Ubial, nakapagbigay na sila ng dalawang milyong pisong halaga ng medical assistance at supplies.
“Sa mga sundalo natin, nagbigay na po kami ng 2 million sa ating Camp Evangelista Hospital sa Cagayan de Oro kung saan dinadala po ang lahat ang wounded soldiers, 2 million pong medical assistance program at nag-provide din po tayo ng medicines at wheelchairs na worth P380,000.” Ani Ubial
Tiniyak pa sa DWIZ ni Ubial na nakahanda na rin sila sakaling kulangin ng supply ng dugo.
“Noong nag-ikot ako ng June 3 and 4, puno po yung mga blood banks natin at tuloy-tuloy po ang bloodletting sa Cagayan de Oro at nagpadala rin tayo ng 70 units ng blood at support sa supply, hanggang ngayon po walang problema sa dugo sa Cagayan de Oro at Iligan City.” Pahayag ni Ubial
Ipinabatid rin ni Ubial na muli nang nagbukas ang Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City.
“Although hindi pa full operations dahil may mga kulang pang gamit, yung electricity hindi pa stable pero naka-open na po ang emergency nila.”
Kaisa na rin aniya ang mga private hospitals sa Iligan City at Cagayan de Oro City sa pagbibigay ng ayuda sa mga sundalong nasusugatan sa pakikipagbakbakan sa Maute group gayundin ang mga sibilyang naapektuhan sa insidente.
Ayon kay Ubial ito ay matapos makipagkasundo sa mga pribadong ospital para tanggapin ang mga masusugatan sa bakbakan kapag hindi na kayang i-accommodate ng mga public hospitals.
Katuwang aniya nila ang PhilHealth sa nasabing kasunduan sa mga private hospitals sa Iligan City at Cagayan de Oro City.
“Yung pong mga sugatan sundalo man o sibilyan na hindi na ma-accomodate sa government hospitals ay puwedeng i-refer sa private hospitals at walang babayaran ang pasyente, napakiusapan din natin ang ating mga doctor natin sa CDO at Iligan i-wawave po nila ang kanilang professional fee, ang PhilHealth professional fee lang ang kanilang siisngilin, sa lahat ng wounded.” Dagdag ni Ubial
Samantala, nagbigay ng paglilinaw ang kalihim kaugnay sa ulat na dumarami na ang namamatay na mga ‘bakwit’ sa mga evacuation center.
“Sa aming datos walang namatay sa evacuation centers, yun pong nire-report naming namatay ay namatay sa ospital kasi ang directive sa aming mga personnel na kapag maysakit na kahit hindi pa malala ay diretso na sa ospital kasi pay all naman tayo, yung sa report ng ating mga health managers on the ground, karamihan ng mga ‘bakwit’ ay wala sa evacuation centers, 80-85 percent sa kanila ay nasa mga bahay ng kanilang mga kamag-anak o kaibigan sa Lanao o Iligan, ang ni-report nating 24 na namatay as of yesterday lahat yan galing sa kabahayan wala po sa evacuation centers.” Paliwanag ni Ubial
By Judith Larino | Balitang Todong Lakas (Interview) / AR
Medical assistance para sa Marawi crisis victims tiniyak was last modified: June 20th, 2017 by DWIZ 882