Magkakaroon ng Medical Assistance Program ang Quezon City LGUs para sa mga indigent resident o mga residenteng walang sapat na kinikita sa lungsod.
Ayon sa lokal na pamahalaan, nagsagawa na sila ng pagpupulong kasama ang pitong mga ospital para matulungan ang mga mahihirap na residente na mabayaran ang kanilang bayarin sa ospital.
Kabilang sa mga ospital na nakipagtulungan sa lungsod ay ang National Kidney and Transplant Institute NKTI; Philippine Children’s Medical Center (PCMC); East Avenue Medical Center (EAMC); Philippine Heart Center (PHC); Lung Center of the Philippines (LCP); Quirino Memorial Medical Center (QMMC); at National Chilren’s Hospital (NCH) para sa nabanggit na programa.
Ayon sa QC LGUs, magkakaroon ng P5-K ang mga benepisyaryo para sa kanilang mga bayarin sa ospital para sa mga gamot, laboratoryo, at iba pa, na batay sa rekomendasyon ng Doctor na in-charge sa isang pasyente.
Sisimulan ang programa sa susunod na linggo kung saan, ang mga nais mag apply ay maaring mag tungo sa pinakamalapit na District Action office sa kanilang mga lugar.
Para sa mga In-patient o mga naka-confine, ipakita lamang ang QCitizen Identification Cards o isang barangay indigency, statement of account o billing statement mula sa kanilang mga ospital, medical abstract, at authorization letter mula sa mga benepisyaryo.
Para naman sa mga out-patient o mga nagpapagamot nang hindi na-admit sa mga ospital, kailangan ding magpakita ng kanilang QCitizen IDs, price quotation, at medical certificate.