Pinayagan na ng Department of Health at Commission on Higher Education na makibahagi sa COVID-19 vaccination program ang mga post-graduate o undergraduate intern, clinical clerk, fourth-year medicine at nursing student.
Sa ilalim ng joint memorandum circular 2021-003 ng CHED at DOH, maaari nang magsilbing volunteer health screeners, vaccinators, pre o post vaccination monitors sa ilalim ng supervision at training ng licensed physicians at nurses ang mga nasabing estudyante.
Ayon kay CHED chairman Prospero De Vera III, layunin ng nasabing hakbang na mapabilis ang pagbabakuna sa bansa at mapataas ang daily targets upang makamit ang herd immunity sa susunod na dalawang buwan.
Una nang inanunsyo ng gobyerno ang ikinakasang national vaccination days sa November 29 hanggang December 1, na target makapag-turok ng 15 million vaccine doses.—mula sa panulat ni Drew Nacino