Itinuturing ng Philippine National Police (PNP) na isang seryosong banta ang pagpasok ng Delta Variant ng COVID -19 sa bansa.
Kaya naman inatasan na ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar ang administrative support to COVID-19 operations task force (ASCOTF) at joint task force COVID-19 shield para gawin ang ibayong hakbang upang mapag-ingat ang publiko mula sa mapanganib na strain ng virus.
Partikular na ipinag-utos ni Eleazar kay Deputy Chief PNP for Administration at ASCOTF Commander P/LTG. Joselito Vera Cruz na ihanda ang lahat ng kanilang kagamitang medikal gayundin ang kanilang medical at quarantine facilities para sa worst case scenario.
Nagbigay direktiba na rin si Eleazar kay Deputy Chief PNP for operations at joint task force COVID-19 Shield Commander P/LTG. Ephraim Dickson na paigtingin pa ang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para sa mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols.
Tiniyak din ni Eleazar sa kanilang mga police frontliner ang kanilang kaligtasan gayundin ang pagbibigay sa lahat ng kanilang pangangailangan. —sa panulat ni Hyacinth Ludivico mula sa ulat ni Patrol 9 Jaymark Dagala